MANILA, Philippines — Mistulang hinanap ng isang 28-anyos na construction worker na lasing ang kanyang kamatayan nang ito ay tumalon sa ilog sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina sa Quezon City, noong Miyerkules.
Nitong Huwebes ng alas-8:40 ng gabi nang maiahon ng mga otoridad ang bangkay ng biktimang si Randolf Corpuz Wite, 28, Sitio Veterans Village, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Unang nakatanggap ng tawag ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) na may bangkay na lumutang sa Tumana Dulo Riverbank, Barangay Bagong Silangan, Quezon City.
Sa pahayag ni Rosanna, asawa ng biktima, lasing na lasing ang kanyang mister nang biglang tumalon sa Scandinavian Creek kasabay ng malakas na buhos ng ulan.