MANILA, Philippines — Umakyat na sa 21 katao ang naitalang nasawi sa pananalasa ni supertyphoon Carina na pinalala pa ng habagat, base sa pinagsamang ulat kahapon ng Regional Police at Office of Civil Defense (OCD).
Kabilang sa mga nasawi ay apat sa Central Luzon, 10 sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at pito naman sa National Capital Region (NCR).
Pinakahuli na nadagdag sa talaan ng mga nasawi ay si Jarrel Pangan na nalunod sa Baliwag-Bustos River sa Brgy. Poblacion, Baliwag, Bulacan; isang babaeng nalunod sa Angat River at dalawang sibilyan sa Angeles City; pawang namatay sa kasagsagan ng pananalasa ni Carina nitong Miyerkules.
Tatlong lalaki ang nasawi sa pagkakakuryente sa gitna ng mataas na tubig baha sa mga bayan ng Cainta, Rodriguez at San Mateo na kinilalang sina Alvin Bulatao, 20 ng Cainta, construction worker na si Jay Mistal, 31 ng Brgy. Burgos, Rodriguez; at isang hindi nakilalang lalaki ng Brgy. Guitnang Bayan 1, San Mateo.
Nasa 15 katao naman ang nasugatan habang lima pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga rescuers at kanilang mga pamilya .
Sa report naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, nasa 14 katao pa lamang ang naitalang nasawi habang patuloy ang beripikasyon sa iba pang napaulat na sinawimpalad kay superbagyong Carina at habagat.
Naitala naman sa 245,000 pamilya o kabuuang 1.1 milyong katao ang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan na nagdulot ng mala-Ondoy na pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lugar.
Ayon pa sa NDRRMC, umaabot naman sa 9.7 milyon ang halaga ng iniwang pinsala sa agrikultura ng kalamidad. Samantalang nasa 49 namang mga kalsada at 8 tulay ang hindi pa rin madaanan ng mga behikulo dahilan sa mataas na tubig baha sa Metro Manila.