MANILA, Philippines — Nasa 183,464 pamilya na binubuo ng 882,861 katao ang apektado ng pinagsamang epekto ng habagat, bagyong Carina,at dating tropical depression Butchoy.
Ang mga apektadong pamilya ay mula sa 686 barangay sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Western at Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Cordillera Region.
Nananatili naman sa walong katao ang namatay kung saan pito ay kumpirmado, apat mula sa Zamboanga Peninsula at tig-isa naman sa Northern Mindanao, Davao Region, at BARMM.
Kasalukuyang sumasailalim sa beripikasyon ang isang namatay sa BARMM, kasama ang dalawang sugatan at isa namang nawawala sa Northern Mindanao.
May 245 na nasirang bahay sa Mimaropa, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao region, Soccsksargen, Caraga, BARMM, at Cordillera.
Sa pinakabagong update ng NDRRMC, sinabi nito na may 8,230 pamilya, binubuo ng 35,388 indibidwal ang inilagay sa 90 evacuation centers habang 115,668 pamilya o 576,936 katao naman ang nakatanggap ng tulong sa labas ng evacuation sites.
Tinatayang umabot na sa P29,121,981.9 ang halaga ng tulong na ibinigay sa mga apektadong pamilya sa Mimaropa, Western at Central Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Caraga.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Nepomuceno si Pangulong Ferdinand “Bongbong “Marcos Jr., sa pagsusumikap at dedikasyon na mapalakas pa ang Disaster Risk Reducion and Management (DRRM).