Metro Manila isinailalim sa state of calamity
MANILA, Philippines — Isinailalim sa state of calamity ang buong Metro Manila base sa rekomendasyon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na pinangunahan ang pagpupulong sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo nitong Miyerkules para sa pagtugon sa kalamidad.
Nabatid na lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila dulot ng malalakas na pag-ulan na epekto ng southwest monsoon at bagyong Carina, ayon sa report na tinanggap ng Office of Civil Defense – NCR kahapon.
Ayon sa ulat, maraming mga pangunahing highway at inner roads ang dumanas ng mula gutter hanggang abot baywang na lalim ng tubig baha dahilan sa walang humpay na malalakas na pag-ulan simula pa nitong Martes ng gabi na tumindi mula alas-2:00 hanggang umaga kahapon.
Sa Maynila, naiulat ang gutter deep o 8 inches na taas ng tubig baha sa kahabaan ng Bonifacio Drive-25th Street, Dimasalang sa panulukuan ng Becerra Street, Roxas Avenue, Kalaw at España,R. Magsaysay at 19 inches naman sa España -Lacson Avenue interseksyon at mula Vito Cruz hanggang Taft Avenue.
Nasa 24 inches naman ang lalim ng baha sa kahabaan ng España-Antipolo Street, 9-10 inches sa España -P. Margal/Blumentritt at 13-14 inches sa España-M. dela Fuente. Sa Quezon City, nasa 45 inches o hanggang dibdib ang baha sa kahabaan ng G. Araneta, Ma.Clara southbound at E. Rodriguez Araneta, hanggang baywang sa EDSA Quezon tunnel at EDSA Oliveros northbound .
Ang baha sa Balintawak northbound ay umabot sa 26 inches ang tubig; Quezon Avenue, Biak na Bato-nasa 12 inche; EDSA Quezon Avenue, 13 inches at Victoria TM St., northbound 8 inches.
Maging sa CAMANAVA area ay malalim rin ang mga pagbaha kung saan sa Malabon ay umabot na sa ikalawang palapag ng mga bahay ang mga pagbaha.
Sa Pasay City, EDSA Taft northbound at southbound ay nasa 19 inches ang tubig baha sa Airport Road-domestic road ay 13 inches habang nasa 8 inches naman sa Andre Tramo, Roxas Boulevard EDSA Northbound Service Road at EDSA Roxas Boulevard Heritage. Ang McArthur Road sa Valenzuela City ay nasa 13 inches ang pagbaha habang sa C5 sa Taguig City ay lagpas sa tuhod ang lalim ng baha.
Umabot naman sa 3rd alarm sa 20 metrong lalim ng tubig baha sa Marikina River dakong alas-2:00 ng hapon na hudyat ng force evacuation kung saan nagsilikas na ang mga residente na ngayo’y kinakanlong sa Concepcion Integrated School at Nangka Elementary School.
Ang Marcos highway malapit sa SM Marikina ay nasa 8 inches ang baha.
Iniulat rin ang mga pagbaha sa Mandaluyong City at lungsod ng San Juan kung saan pahirap sa mga motorista ang malalim na tubig baha. Ang pagbaha sa Mandaluyong City ay naobserbahan sa Maysilo Circle, San Joaquin, San Francisco Street dating Open Canal at iba pa. — Ludy Bermudo, Mer Layson
- Latest