MANILA, Philippines — Dahil sa mga pag-ulan at pagbaha na dulot ng bagyong Carina at ng habagat, gayundin sa inaasahang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis sa bansa ay nagdeklara na kahapon ang Department of Health (DOH) ng Code White Alert.
Sinabi ng DOH na kabilang sa mga isinailalim nila sa Code White Alert ay ang lahat ng kanilang Centers for Health Development (regional offices) sa buong bansa, gayundin ang Ministry of Health in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM).
Pinaalalahanan rin ng DOH ang publiko sa public health risk ng leptospirosis dahil sa mga pagbaha na maaaring kontaminado ng ihi ng daga o iba pang hayop.
Nagpaalala rin ang DOH na sakaling lumusong sa baha ang isang indibidwal ay mayroon namang mga antibiotics na available upang maiwasang dapuan ng leptospirosis, gaya ng prophylaxis, ngunit kinakailangan anila nito ng preskripsiyon.
Kaugnay nito, iniulat ng DOH na hanggang nitong Morbidity Week 28 o Hulyo 13, 2024, nakapagtala na sila ng kabuuang 1,258 na kaso ng leptospirosis.
Maaari naman anilang tumaas pa ang naturang bilang dahil sa mga nahuling ulat, lalo na ngayong nararanasang mga pag-ulan at pagbaha dahil sa bagyong Carina at habagat.