2.45 milyong Pinoy na lang namumuhay na mahirap
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nabawasan na ang kahirapan sa bansa matapos na 2.45 milyong Pilipino na lamang ang maitalang namumuhay na mahirap.
Base sa report ng PSA, bumaba na ang kahirapan mula 18.1 % noong 2021 sa 15.5 % sa taong 2023.
Sa ipinalabas na 2023 Full Year Official Poverty Statistics ng PSA, nangangahulugan lamang ang pagbaba ng bilang na nasa 2.45 milyong Pilipino na lamang o kakaunti na ang namumuhay sa kahirapan.
Ang 2.6 porsiyento puntos ng pagbabago ay nalagpasan pa ang target na pag-unlad ng gobyerno sa 2023 na naglalayong maabot ang 16.0 hanggang 16.4 porsiyento sa pagbabawas sa mga insidente ng kahirapan, base pa sa report ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Inihayag ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Lope Santos III na ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong naiahon na sa kahirapan ay nangangahulugan lamang na nagkaroon ng pagbabago at kaunlaran sa bansa sa nakalipas na 2 taon.
Ang poverty incidence rate sa mga pamilya ay bumaba na sa 10.9 porsiyento mula sa 13.2 porsiyento sa nakalipas na dalawan taon. Nangangahulugan ito ng pagbaba sa 500,000 ng bilang ng mahirap na pamilya mula sa rekord na 3.5 milyon ay tinatayang nasa 3 milyon na lamang ito.
Inihayag ng opisyal ang Republic Act (RA) 11291 o ang Magna Carta of the Poor ay nanatiling prayoridad sa mga proyekto ng gobyerno, reporma sa polisiya at maging sa paglikha ng mga batas.
- Latest