MANILA, Philippines — Isang babaeng pulis ang inaresto matapos na mahuling nag-shoplifting sa department store ng isang kilalang mall sa Ermita, Maynila, nabatid kahapon.
Ang naarestong pulis ay kinilalang si Pat. Crisanda Cruz, 33, miyembro ng Police Security Protection Group ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Quezon City, at residente ng Mata-A St., Tondo.
Sa ulat ng Ermita Police Station (PS-5) nabatid na dakong alas-8:00 ng gabi ng Linggo nang maaresto ang suspek dahil sa kasong theft (shoplifting) sa department store sa ground floor ng kilalang mall sa Ermita.
Nauna rito, pumasok sa naturang mall ang pulis at nang makuha ang ilang assorted items, na kinabibilangan ng mga kitchen wares, mga damit, laruan, pagkain at iba pa, ay kaagad nang lumabas ng department store nang hindi nagbabayad sa cashier.
Nakita naman ng alertong guwardiyang si Cesar Azarcon, 51, ang ginawa ng suspek kaya’t kaagad itong sinita.
Nang wala umanong maipakitang resibo ang suspek para sa mga items na nagkakahalaga ng P14,021.50 na kanyang kinuha na nakasilid sa isang eco bag ay kaagad na inaresto ng guwardiya at dinala sa presinto.
Pagdating sa presinto ay dito nalaman na ito pala ay isang pulis.