MANILA, Philippines — Iniatras na ni US President Joe Biden sa kanyang reelection bid at inendorso ang kanyang Vice President na si Kamala Harris bilang nominado.
Ang pag-atras ng kandidatura ay inihayag ni Biden nitong Linggo matapos mawalan ng kumpiyansa ang kanyang mga kasamahang Democrats na makakaya niyang talunin si Donald Trump.
Ang desisyon ni Biden ay ipinost nito sa X kung saan kanyang nilinaw na tatapusin na lamang niya ang kanyang termino hanggang January 2025.
Sa hiwalay na post, inendorso ni Biden si Harris.
Bagama’t inendorso ni Biden, dadaan pa rin sa proseso ng nominasyon si Harris bago maging opisyal na kandidato ng Democrats.
Hinangaan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ginawa nitong pag-atras na nagpapatunay lamang ang pagiging statesman nito.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa suporta ni Biden sa Pilipinas.