MANILA, Philippines — Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi prayoridad ng Senado ang pagpasa ng mga kontrobersiyal na panukalang Divorce Bill at Death Penalty Bill, maging ang isinusulong na Charter Change.
Pero, nilinaw ni Escudero na magpapatuloy ang pagdinig sa mga nabanggit na panukalang batas at dadaan ang mga ito sa normal na proseso.
Ipinunto rin ni Escudero na binanggit niya sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon ng Senado na hindi magiging prayoridad ang pagtalakay sa Charter change dahil mas pagtutuunan ng pansin ang mga panukalang batas na maghahatid ng direktang benepisyo sa publiko.
Iiwasan din aniya ang mga panukalang batas na nagdudulot ng pagkakawatak-watak at alitan sa pulitika.
Samantala, kinuwestiyon ni Escudero kung bakit may mga batas na magpapagaan sa pasanin ng mga malalaking negosyo pati ang pagpapadali sa pagbabayad ng tax at utang pero walang batas na magpapadali sa paghahanap ng trabaho.
Sa kabila aniya ng mga batas na makakatulong sa mga malalaking negosyante,wala namang batas na magpapagaan sa “commuting,” “connecting” at batas para mapadali ang pagtatapos sa pag-aaral at paghahanap ng trabaho.
Tiniyak din ni Escudero na mas pagtutuunan ngayon ng Senado ang pagpasa ng mga batas na magpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.