MANILA, Philippines — Rekta na sa FIBA U18 Asia Cup ang Gilas Pilipinas boys matapos ang 87-64 panalo kontra sa Indonesia upang mawalis ang SEABA Qualifiers kahapon sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Malinis na 3-0 kartada ang naukit ng Gilas kontra sa mga Southeast Asian rivals upang pagharian ang torneo at masikwat ang kaisa-isang tiket sa Asian tournament na gaganapin sa Jordan sa Setyembre.
Ito ay matapos unang bagbagin ng Gilas ang host na Malaysia, 97-71, at Thailand, 87-54, para sa bigating 27.3-puntos na winning margin average.
Trumangko sa sweep ng Gilas si Andy Gemao na naglista ng halos triple-double na 29 puntos, 12 rebounds at 8 assists matapos niya ring banderahan ang kanilang unang dalawang tagumpay.
Sumuporta kay Gemao si Wilhem Lawrence Cabonilas na humakot ng 16 puntos at 9 rebounds habang may tulong din na 14 at 10 puntos sina John Earl Medina at Charles Francis Esteban, ayon sa pagkakasunod.
Hindi agad nakakalas ang Gilas sa first quarter hawak lang ang dikit na 29-22 bentehe subalit rumatsada sa second quarter sakay ng 21-9 birada upang tuluyang kumawala tungo sa kumbinsidong 23-point win.
Isang player lang ang naka-iskor ng double digits para sa Indonesia, na may 2-1 kartada, sa katauhan ni Cliffton Wijaya na nagtala ng 10 puntos.
Nasundan ng Gilas U18 ang parehong karangalan ng U16 team na winalis din ang SEABA Qualifiers upang makapasok sa FIBA U16 Asian Championship, kung saan sila pumang-apat.