MANILA, Philippines — Isang person deprived of liberty (PDL) na most wanted dahil sa 2 counts of attempted murder sa isang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sinilbihan ng warrant of arrest sa loob mismo ng New Bilibid Prison (NBP) kung saan siya nakakulong, nitong Huwebes.
Kinilala ang akusadong si Raymond David Reyes, nakapiit sa Building 14 ng NBP-Bureau of Corrections (BuCor), Muntinlupa City, at residente ng Balintawak, Quezon City at may kinakaharap na 2 counts of attempted murder at inisyuhan ng warrant of arrest ni Judge Rosalyn Mislos-Loja ng RTC Branch 41, Manila noong Mayo 29, 2024, sa kaso ng isang BFP Colonel na kaniyang tinangka umanong patayin sa Alex St., Sampaloc, Maynila noong madaling araw ng Mayo 2, 2024.
Dakong alas-8:00 ng gabi nang isilbi ng mga tauhan ng Intelligence at Warrant and Subpoena Section ng Manila Police District ang arrest warrant laban kay Reyes sa loob ng NBP.
Bukod sa naturang mga kaso, si Reyes ay akusado rin sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyante sa Quezon City matapos mabigong magpadala sa Gcash ng P50 milyon ransom ang pamilya nito.
Lumabas sa beripikasyon, nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation nito lamang Hunyo si Reyes, kasama ang isa pang akusado na si alyas “Pio”, empleyado umano ng BuCor, kaugnay sa dinukot na 60-anyos na babaeng negosyante sa Quezon City. Noong Hunyo 10, 2024 ay natagpuang nakasako ang kidnap-victim na ginang sa Sta. Cruz, Laguna, na napag-alamang pinatay sa sakal.
Umamin umano ang mga suspek na nabigo silang matanggap sa Gcash sa itinakdang oras ang hinihinging P50-milyon na ransom mula sa pamilya ng biktima. Narekober mula sa dalawang suspek ang mga baril at iligal na droga.
Nabatid rin na hindi pa nagtatagal na pinalaya ng BuCor si Reyes nang isagawa ang magkahiwalay na krimen.