MANILA, Philippines — Halos nasa 60% ang bumabang kita ng mga mangingisdang Pinoy malapit sa Scarborough Shoal dahil sa fishing ban ng China sa South China Sea, kabilang ang mga bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa PAMALAKAYA, bumaba mula P10,000 patungong P4,000 ang kita ng mga mangingisda sa Zambales sa bawat biyahe ng mga ito malapit sa Scarborough o Panatag Shoal.
“The presence of Chinese vessels has intensified since our territorial waters have been placed under a fishing moratorium,” saad sa pahayag ni PAMALAKAYA-Zambales provincial coordinator Joey Marabe.
Upang masuri ang epekto ng fishing ban ng China sa ibang mga probinsya ay nakikipag-ugnayan na ang PAMALAKAYA sa mga operator at asosasyon ng mga mangingisda sa Pangasinan at La Union.
Nanawagan naman ang PAMALAKAYA sa administrasyong Marcos na ibigay ang pangangailangan ng mga mangingisdang apektado ng fishing ban ng China.
Nauna nang ipinrotesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang fishing ban ng China na lumalabag sa international law at tinatapakan ang soberanya at maritime rights ng bansa.