‘Monster ship’ ng China, naka-angkla pa rin sa Escoda Shoal - PCG

China’s largest coast guard ship, "The Monster," was again spotted.
PCG

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, na nananatili pa ring nakaangkla sa Escoda Shoal ang tinaguriang ‘monster ship’ ng China.

Ayon kay Tarriela, buhat noong Hulyo 3 hanggang nitong Miyerkules ng umaga, ay nananatili sa Escoda Shoal ang China Coast Guard (CCG) 5901, na pinakamalaking coast guard ship at kilala sa tawag na ‘The Monster.’

Aniya, buhat nang ma-monitor nila ang presensiya ng monster ship sa loob ng Escoda Shoal, o 600 yarda lamang ang layo mula sa BRP Terese Magbanua, ay hindi pa ito umaalis doon.

Ang Escoda Shoal, na isang coral reef formation, ay matatagpuan may 75 nautical miles mula sa Palawan at ikinukonsiderang pasok sa 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Kasalukuyang naka-istasyon ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal simula noong Abril, kasunod ng mga ulat na nagsasagawa ng reclamation activities doon ang China.

Una nang nagpahayag ng paniniwala si Tarriela na idineploy ng CCG ang kanilang monster ship sa Escoda Shoal upang i-intimidate ang BRP Teresa Magbanua, na siyang pinakamatagal na deployment ng Coast Guard sa WPS.

Show comments