MANILA, Philippines — Nakahanda na ang pagkukulungan ng Senado para sa suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at mga miyembro ng kanyang pamilya sakaling maaresto na ang mga ito.
Ipinakita sa media kahapon ni Ret. Lt. Gen. Roberto Ancan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang pasilidad na bagaman at nasa loob ng compound ng Senado ay nakahiwalay naman sa Senate building.
Ang detention facility ay nasa tabi ng opisina ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng compound ng Senado.
Sakaling mangyari ang pag-aresto kay Guo at ng kanyang pamilya, ito ang unang pagkakataon na gagamitin ang kwarto mula noong na-refurbished ito noong 2023.
Ang silid ay may apat na double bunk bed, naka-air condition, may lababo at banyo.
Ayon kay Ancan, si Guo at ang kanyang pamilya ay bibigyan ng kama at unan, ngunit kung mas gusto nilang magdala ng sarili nila, hindi ito magiging problema. Ang mga pagkain ay sasagutin din ng Senado.
Bukod kay Guo, pinaaaresto rin ang mga miyembro ng kanyang pamilya na sina Sheila Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen Guo at ang kanyang pinaghihinalaang ina na si Wen Yi Lin.
Tiniyak din ni Ancan na mapapangalagaan ang seguridad ni Guo at pamilya nito.