MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na dalawa katao ang naitalang nasawi habang mahigit 60,000 namang pamilya ang naapektuhan sa malalakas na pag-ulan na epekto ng habagat.
Sa report ng NDRRMC, isa sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao na isang 47-anyos na babae na natagpuang lumulutang sa Pulangi River sa Kabacan, North Cotabato at ang ikalawang nasawi ay mula naman sa Davao Region na kasalukuyan pang bineberipika.
Nasa 60,841 namang pamilya mula sa 310 Barangays sa rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato City, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang apektado ng masamang lagay ng panahon sa malalakas na pag-ulan sa Mindanao na nagdulot ng mga pagbaha at landslide sa Mindanao simula pa noong nakalipas na linggo.
Sa nasabing bilang ay naitala naman sa 4,767 pamilya ang kinakanlong sa 55 evacuation centers habang ang iba pa ay pansamantalang nanuluyan sa kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak. Ang lokal na pamahalaan ay namahagi ng relief goods sa mga naapektuhang pamilya sa mga evacuation centers.