MANILA, Philippines — Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pag-apruba ng Kamara de Representantes sa panukalang 2025 national budget, at ang nalalabing panukala na prayoridad na maaprubahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at dagdag na panukalang mailalahad sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
“The House is ready to take swift and decisive action to ensure these legislative priorities are met, paving the way for sustained development and progress under the administration of President Bongbong Marcos,” ani Speaker Romualdez.
Sinabi ni Speaker Romualdez na handa na ang Kamara na tanggapin ang panukalang P6.325 trilyong National Expenditure Program (NEP), na siyang pagbabatayan sa gagawing 2025 General Appropriations Bill (GAB). Target umano ng Kamara na aprubahan ito sa Setyembre.
Tiniyak ng lider ng Kamara, na mayroong mahigit 300 kinatawan ang mabilis na pagpasa ng budget para sa susunod na taon.
Dagdag pa nito, “We are ready and determined to work hard to pass the 2025 GAB before we go on break at the end of September. We will ensure the timely transmission of the spending bill to the Senate for their consideration as well.”
Ang 2025 NEP, na mas mataas ng 10 porsiyento sa P5.768-trilyong budget ngayong taon, ay katumbas ng 22 porsiyento ng gross domestic product ng bansa.
Inaasahan na isusumite ng Department of Budget and Management ang 2025 NEP sa Hulyo 29, matapos itong repasuhin ng buong Gabinete.
Alinsunod sa 1987 Constitution, ang NEP ay dapat na maisumite sa Kongreso sa loob ng 30-araw mula sa araw ng SONA. Kapag naaprubahan ito ng Kamara at Senado ito ay magiging General Appropriations Bill na isusumite sa Pangulo. Kapag nilagdaan ng Pangulo ito ay magiging General Appropriations Act.