MANILA, Philippines — Binati ni House Ways and Means Chair Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) si Pangulong Bongbong Marcos sa matagumpay na pagsisikap niyang i-host ng Pilipinas ang susunod na pulong ng ‘Loss and Damage Fund (LDF) Board’ sa ilalim ng ‘United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).’
“Malaki ang maitutulong nito sa Pilipinas na mapalapit sa mga pondong laan sa mga programang ‘climate change adaptation and mitigation,” ayon kay Salceda na naging unang Asianong ‘co-chairman’ ng UN Green Climate Fund na ngayon ay tinagurian nang LDF.
“Bilang dating delegado sa UNFCCC, kasama ng ibang mga expertong Pilipino, ipinaglaban namin ang prinsipyong ‘loss and damage’ ng ‘climate change’ at kung bakit kailangan itong bayaran,” sabi niya.
Ipinaliwanag ni Salceda na malubha ang mga kasiraan at pagkaluging dulot ng ‘climate change’ sa kabila ng mga pagsisikap na mapagaan ang mga epekto nito, na bunga ng mga kasalanan ng mga industriyalisado at mayayamang bansa.
Bilang kauna-unahang Asianong ‘co-chairman’ ng ‘UNFCCC Green Climate Fund,’ kinilala si Salceda sa matagumpay na pangangasiwa sa lupon nito na makumpleto ang walong mga kondisyon upang magkabisa at makapagsimula ang naturang ahensiya ng UN.
Tinanggap niya ang parangal sa isang pulong ng kanilang lupon sa Bali, Indonesia matapos matiyak na magkakaroon na ng US$13 bilyon ang UNFCCC para sa ‘Initial Resource Mobilization’ nito sa Oslo, Norway.