Mga pulis na nagbuwis-buhay pinarangalan ni Marbil
MANILA, Philippines — Binigyang parangal at pinuri kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang matatapang na mga pulis na nagbuwis ng buhay at nasugatan sa iba’t ibang operasyon sa buong bansa.
Ayon kay Marbil, hindi matatawaran ang mga sakripisyo ng mga pulis na hindi nagpatinag upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Aniya, ang tapang na ipinakita ng mga nasawing pulis ay dapat magsilbing inspirasyon para sa kanilang mga kasamahan upang magsikap na maging mas mabuti, mas malakas, at mas matalino sa kanilang mga tungkulin.
“Utang natin ang walang katumbas na pasasalamat sa ating mga bayaning nasawi. Ang matatapang na kalalakihan at kababaihang ito ay nagbuwis ng kanilang buhay at bahagi ng kanilang mga katawan para lamang protektahan ang bawat pamilyang Pilipino,” ani Marbil.
Mula Enero 1 hanggang Hulyo 13, 2024, kabuuang 16 na pulis ang nagbuwis ng buhay habang nasa tungkulin, at 40 ang nasugatan, kabilang ang apat na pulis ng Maynila na nasangkot sa isang madugong engkwentro sa mga suspek sa distrito ng Tondo noong nakaraang linggo.
Nanawagan din si Marbil sa lahat ng PNP personnel na ipagpatuloy ang sakripisyo ng kanilang mga nasawing kasama at tiyakin ang kanilang kaligtasan.
- Latest