Dear Attorney,
Puwede po bang patungan din ng interes ang interes na hindi nabayaran? Sinisingil po kasi ako ng napakalaki para lang sa maliit na halagang hiniram ko. Nang tanungin ko kung bakit naman napakalaki na ng kailangan kong bayaran ay dahil daw sa compound interest. Puwede po ba talaga ang sinabi nila? —Lanie
Dear Lanie,
Ang compound interest ay ang interes na ipinapatong sa hindi nabayarsng interes. Puwede ba ito sa ilalim ng batas? Ang general rule ay hindi. Ayon sa Article 1959 ng Civil Code ay “(i)nterest due and unpaid shall not earn interest.” Ang ibig sabihin nito ay hindi maaring magpatong ng interes sa interes na hindi pa nababayaran.
Ngunit katulad nang marami sa ating batas, may exception sa general rule na ito. May mga pagkakataong kasing pinahihintulutan ang compound interest.
Ang isa sa mga pagkakataong ito ay nakasaad rin sa Article 1959 kung saan pinahihintulutan ang compound interest kapag napagkasunduan ito ng mga partido sa isang kontrata. Kailangan lang na malinaw ang pagkakasaad nito sa kontrata dahil kung hindi ay mananaig ang general rule na bawal ang compound interest.
Ang isa pa sa mga pagkakataon kung kailan pinahihintulutan ang compound interest ay makikita sa Article 2212 ng Civil Code kung saan nakasaad na kikita ng legal interest hindi lamang ang principal na utang kundi pati na rin ang interest nito mula sa panahong nagsampa ng kaso ang pinagkakautangan. Kasalukuyang nasa 6% per annum ang legal interest dito sa Pilipinas base sa Circular No. 799 ng Bangko Sentral.
Dahil puwede naman ang pagpapataw ng compound interest batay sa kontrata, ang kasagutan sa iyong katanungan ay nakadepende kung napagkasunduan n’yo ba ng inutangan mo ang pagbabayad ng compound interes at kung nakasulat ba ang specific na kasunduang ito, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa Sps. Albos v. Sps. Embisan, et al. (G.R. No. 210831, 26 November 2014). Kung wala namang nakasulat ay hindi ka maaring singilin ng compound interest ng inutangan mo.