Sasakyan ng BJMP, tumagilid: Jail officer, patay; 14 sugatan
MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology habang 14 ang nasugatan kasama ang 10 preso matapos aksidenteng tumagilid ang kanilang sasakyan habang patungo sa pagdinig ng korte sa kahabaan ng Maharlika National Highway, Purok-2, Brgy. Bautista, Labo, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na pinangalanang si JO 2 PJ, kasapi ng BJMP-Labo. Habang nilalapatan ng lunas ang nasugatang apat at 10 inmates.
Sa ulat, alas-8:30 ng umaga ay mabilis na binabagtas ng BJMP-vehicle ang kahabaan ng highway patungong Daet-Regional Trial Court para sa gagawing pagdinig ng mga kaso ng sakay na 10 inmates.
Pagdating sa lugar ay biglang nag-u turn at tumawid sa highway ang isang tricycle na malayo pa lang ay binubusinahan na ng BJMP-vehicle.
Nang iwasan ito ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver dahilan para umikot at tumagilid ang sasakyan ng BJMP na kung saan ang lahat ng sakay nasugatan at dinala sa ospital, pero malubha ang natamo ni JO2 PJ kaya’t idineklara itong dead on arrival.
- Latest