Mga ari-arian at pera ni Guo, naka-freezed na
MANILA, Philippines — Nai-freeze na ang mga ari-arian ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ilang iba pang indibidwal na sinasabing sangkot sa mga ilegal na gawain ng Philippine Offshore Gaming Operators (Pogos).
Inilabas ng tanggapan ni Senator Sherwin Gatchalian ang statement na inilabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa mga na-freeze na assets.
Ayon sa AMLC na ibinahagi ni Gatchalian sa mga mamamahayag ang freeze order na may petsang Hulyo 10 ay sumasaklaw sa malawak na hanay ng mga asset, kabilang ang 90 bank accounts sa 14 na pinansiyal na institusyon, ilang mga real properties, at mataas na halaga ng mga personal na ari-arian, tulad ng mga mamahaling sasakyan at helicopter.
Inaprubahan ng Court of Appeals ang ex-parte petition ng AMLC para sa pagpapalabas ng isang freeze order kung saan agad na ipatutupad ang freeze order sa mga ari-arian ng mga indibidwal at entity na sinasabing sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Sinabi pa ng AMLC na layunin ng freeze order na hindi magamit sa masamang gawain ang mga nabanggit na ari-arian.
- Latest