22,000 workers mawawalan ng trabaho kapag ipinagbawal ang POGOs – DOLE

MANILA, Philippines — Maraming manggagawa ang posibleng mawawalan ng trabaho kapag tuluyang ipinagbawal ng gob­yerno ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na aabot sa 22,000 na manggagawa ang maapektuhan sakaling tuluyang ipagbawal ang operasyon ng POGO sa bansa.

Pero, hindi naman aniya pababayaan ng gob­yerno ang mga mawawalan ng trabaho at sa katunayan ay nagsasagawa na sila ng profiling sa mga posibleng maapektuhan sakaling magpasya ang gobyerno na ipagbawal ang POGO sa bansa.

Tututok aniya ang DOLE para mabigyan ng panibagong trabaho ang mga maapektuhang manggagawa sa pamamagitan ng partnership sa pribadong sektor at upscaling, retraining o kaya ay mabigyan ng livelihood projects ang mga ito.

Sinabi naman ni National Economic and Deve­lopment Authority Secretary Arsenio Balisacan na hindi pa napapag-usapan sa gabinete ang usapin sa POGO ban at wala pa ito sa level ng economic managers pero sa kaniyang personal na pananaw ay pabor ito na alisin na ang POGO at tumutok ang gobyerno sa paglikha ng mga de kalidad at maayos na trabaho sa halip trabahong may kinalaman sa sugal.

Show comments