MANILA, Philippines — Isang 18-anyos na babaeng college student ang nasugatan nang pagsasaksakin ng tatlong holdaper sa loob ng University of the Philippines (UP) campus sa Diliman, Quezon City, kamakalawa.
Nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima na ginagamot na sa ospital.
Sa ulat, nangyari ang insidente pasado alas-8:00 ng gabi sa tapat ng College of Electrical Engineering sa UP campus.
Naglalakad umano ang biktima nang biglang sumulpot ang tatlong suspek . Naglabas ng patalim ang isa sa mga suspek at itinutok sa biktima sabay sabing “Wag kang gumalaw, hold up ‘to.”
Sa takot ng biktima napasigaw ito ng “Tulong, tulong” na posibleng kinagalit ng suspek kaya siya inundayan ng saksak.
Tinangay ng mga suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng mga gamit at agad isinugod ang biktima ng ilang concerned citizen na siya ring tumawag sa kanyang mga magulang para ipaalam ang sinapit niya.
Pinayuhan ng pamunuan ng University of the Philippines Diliman ang publiko na maging mapagmasid at iulat sa kanila ang anumang kahina-hinalang pangyayari doon .
“The UPD administration will continue deploying more security personnel in different areas of the campus. In case of emergency or if assistance is needed, please contact the UPD Public Safety and Security Office at 0917-597-1984 or the UPD Police at 8981-8500 local 113.”