MANILA, Philippines — Nasugatan ang 27 katao kabilang ang 19 uniformed personnel at isa rito ang nasa kritikal na kondisyon makaraang aksidenteng sumabog ang mga paputok na nakatakda na sanang i-dispose ng mga otoridad sa Zamboanga City, nitong Lunes.
Sa report ng Zamboanga City Police Office, kabilang sa mga biktima ay anim na police officers, tatlong miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), limang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), limang tauhan ng Philippune Marine Corps at 11 sibilyan.
Sa kabuuang 19 uniformed personnel, isa rito ang nasa kritikal na kondisyon habang apat pa ang grabeng nasugatan.
Ang iba pang mga biktima kabilang ang mga nagtamo ng bahagyang sugat ay nakalabas na sa pagamutan.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-5:35 ng hapon nang mangyari ang aksidenteng pagsabog ng wala sa oras ng mga nakumpiskang paputok ng mga otoridad matapos itong dalhin sa site kung saan nakatakda sana itong i-dispose sa Brgy. Cabatangan.
Sinabi sa report na hinahakot at inihihilera pa lamang ang mga paputok para i-dispose ito nang sumabog ito ng wala sa oras na ikinasugat ng 27 biktima.