MANILA, Philippines — Inilunsad ni First Lady Liza Araneta Marcos sa Tacloban City sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang “Lab for All” project na layong maghatid ng libreng serbisyong pangkalusugan.
Ito ang sinabi ni Tingog Partylist Rep.Yedda Marie K. Romualdez kasabay ng kanyang papuri sa paglulunsad sa Tacloban City ng Lab for All caravan, na nangangahulugan ng Libreng Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat, kamakailan sa pangunguna ng Unang Ginang.
“Bukod sa libre o abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan na hatid ng Lab for All ni First Lady Liza Araneta Marcos, magde-develop din ito ng kultura sa mga Pilipino na pahalagahan ang ating kalusugan,” ani Rep. Romualdez, na naging saksi sa paglulungsad ng caravan kasama si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang paglulunsad ng health caravan ay sinundan ng distribusyon ng P4.2 milyong cash assistance sa ilalim ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment na ginanap sa Leyte Normal University. Umabot sa 1,026 manggagawa ang nabigyan ng tig-P4,050 cash aid.
Ang Lab for All caravan ay nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory tests, x-rays at gamot sa mga pahihirap na residente.
Binigyan-diin ni Rep. Yedda ang kahalagahan na maabot ng libreng health service ang mga nasa malalayong lugar.