Pulis, 2 pa inaresto sa pagbebenta ng baril

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Bobby Lewis”, babae, 28; alyas “John”, 34; at ang pulis na si alyas “Gary”, 34.
STAR / File

MANILA, Philippines — Arestado ng mga otoridad ang isang pulis at dalawang kasama nito sa entrapment operation, kama­kalawa sa Taguig City.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Bobby Lewis”, babae, 28; alyas “John”, 34; at ang pulis na si alyas “Gary”, 34.

Sa ulat ng Special Operations Unit ng SPD, alas-3:40 ng hapon nang isagawa ang entrapment operation sa Acacia St., Cembo, Taguig City nang makatanggap mula sa isang impormante hinggil sa iligal na gawain ng tatlo sa Makati at Taguig City.

Nasamsam sa mga suspek ang isang Rifle Defense M16 First SAMCO Modified Color with serial number RP122190 na may 30 bala; isang Glock 17 Gen 4 na may serial number AFP058637 at may logo pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may 17 bala; at isang Arms Moravia Czech Republic na may serial number 613319 kargado ng 10 bala; isang tennis bag, isang Yamaha NMAX motorcycle na walang plaka, 3 cellphone, at PNP ID ni alyas Gary.

Sa beripikasyon, natukoy din ang pulis ay minsan nang naaresto taong 2021 sa reklamong alarm and scandal.

Show comments