MANILA, Philippines — Isang pampasaherong bus ang nasunog habang nakaparada sa harap ng gasolinahan sa northbound ng South Luzon Expressway (SLEX) sakop ng Biñan City kahapon ng umaga.
Ayon sa impormasyon ng Biñan City DRRMO, pumarada sa harap ng northbound ng SLEX Shell-Mamplasan ang Eagle Star Bus (NAR 1388) na galing Bicol patungong Maynila nang magkaproblema ang kanang gulong nito sa unahan at bigla itong magliyab alas-10:42 ng umaga.
Agad itong sinaklolohan ng mga tauhan ng Biñan BFP subalit tuluyang natupok ang bus bago naapula ang apoy pasado alas-11:00 ng umaga.
Wala namang nasaktan sa mga pasahero ng bus dahil nasa baba lahat ang mga sakay at kumakain sa mga restaurant sa gas station facility.
Nagdulot din ng mabagal na daloy ng trapiko sa SLEX northbound ang pangyayari.Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang sanhi ng pagkasunog ng bus.