MANILA, Philippines — Mahigit 22,000 na batang kababaihan ang dumanas ng paulit-ulit na pagbubuntis o repeat pregnancy ito ay batay sa pinakahuling report ng Commission on Population and Development (CPD).
Inihayag ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan sa mas pinaigting na comprehensive sexuality education (CSE) at mga programa ng social protection para sa mga batang ina.
Ayon kay Gatchalian, mga 13 hanggang 15 taong gulang ang naitalang dumanas ng repeat pregnancy.
Bagama’t naging dahilan ang pandemya ng COVID-19 sa paglobo ng mga kaso ng maagang pagbubuntis, binigyang diin naman ng CPD ang papel ng kultura sa mga komunidad na ang halimbawa, napipilitang magsama sa ilalim ng isang bubong ang isang batang ina at ang nakabuntis sa kanya.
Ayon pa sa CPD, maaaring senyales ng pang-aabuso ang malaking pagitan ng edad sa isang batang babae at ng nakabuntis sa kanya.
Para kay Gatchalian, mahalagang panatilihin ang mga batang babae sa mga paaralan, kung saan maaari silang matuto sa ilalim ng CSE at magkaroon ng access sa mga child protection programs.
Binigyang diin niya rin na mahalagang mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga batang ina na muling makapasok sa sistema ng edukasyon.
Nanawagan din si Gatchalian na ipatupad nang mahigpit ang mga batas na layong protektahan ang mga batang babae mula sa pang-aabuso o karahasan. Isa na rito ang Republic Act No. 11596 na nagbabawal sa child marriages, kung saan ang isa o higit pa sa mga ikinasal ay menor de edad.