MANILA, Philippines — Inaasahang maaresto na sa susunod na mga araw ang itinuturing nang “wanted” na si dating Bureau of Corrections (BuCor) Gerald Bantag makaraang matukoy na ng mga otoridad ang hideout o pinagtataguan nito.
Sa media forum sa Quezon City, sinabi ni DOJ spokesman Mico Clavano na nagsasagawa lamang ng kaukulang pag-iingat ang mga otoridad sa pag-aresto kay Bantag matapos sabihin ng huli na mas mainam na siya ay mamatay kaysa sa makulong sa bilangguan.
Si Bantag ang sinasabing nasa likod ng pananambang at pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
“We are aware of his whereabouts. It’s just that alam naman natin na hindi talaga ‘yan papayag na magpahuli ng buhay. Mahirap din na ilagay natin ang law enforcement agents in precarious or a dangerous spot. We hope to do this in the most peaceful manner,” sabi ni Clavano.
Tikom naman ang bibig ni Clavano kung saang lugar nagtatago si Bantag. Aniya ito ay nasa malayong lugar na pinalilibutan ng kanyang mga supporters.
Noong Abril ay pinuntahan ng mga tauhan ng NBI ang umano’y pinagtataguan ni Bantag sa Baguio City pero bigo itong madakip doon.
Umaasa naman si Clavano na mapayapang susuko sa mga otoridad si Bantag at hindi na magdudulot pa ng kaguluhan ang gagawing pag-aresto sa kanya.
Aniya, bukas naman ang gobyerno para sa mapayapang pagsuko nito sa mga otoridad.