MANILA, Philippines — Apat katao ang iniulat na patay habang 14 na iba pa ang sugatan matapos ang sunod-sunod na pagsabog sa loob ng isang bodega na may nakaimbak na mga pyrotechnics at firecrackers sa Barangay Tetuan, Zamboanga City kahapon ng hapon.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Sabado ng mga opisyal ng Zamboanga City Police Office at ng mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, apat katao, isa sa kanila ay menor-de-edad ang mga nasawi sa insidente.
Maagap namang naisugod ng mga emergency responders sa ibat-ibang pagamutan ang 14 kataong nagtamo ng mga sugat sanhi ng mga serye ng pagsabog, ilan sa kanila mga bata at mga babae.
Nag-utos na ang director ng Police Regional Office-9, si Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, ng malalim na imbestigasyon sa insidente.
Tiniyak naman ni Mayor John Dalipe, chairman ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction Management Council, ang ayuda para sa mga pamilya ng nasawi at mga na-ospital sanhi ng insidente.