‘Journalist’ na aktibo tuwing eleksyon, pinatay
MANILA, Philippines — Isang kilalang “occasional journalist” na aktibo diumano sa tuwing may halalan ang patay matapos pagbabarilin ng nag-iisang armadong lalaki sa mismong bakuran ng biktima sa Barangay West, General Santos City nitong Sabado ng umaga.
Sa pahayag nitong Sabado ni Brig. Gen. Percival Augustus Placer, director ng Police Regional Office-12, agad na namatay sa mga tama ng bala ang biktimang si Manuel Suansing Malinao nang lapitan at pagbabarilin ng isang salarin mismo sa kanilang bakuran sa Purok Sta. Cruz sa Silway sa Barangay East sa General Santos City.
Mabilis na nakatakas ang pumatay kay Malinao, na hindi naman itinuturing ng maraming mga reporters sa General Santos City at mga karatig na probinsya na talagang ganap na miyembro ng tinatawag na “mainstream media” dahil diumano sa aktibo lang ito sa pagsusulat bilang propagandista ng mga political parties tuwing may halalan.
Kilala rin diumano si Malinao sa naging partisipasyon nito sa pagbuo ng mga kasong graft laban sa ilang mga pulitiko sa General Santos City at South Cotabato, kabilang sa kanila ang dating mayor ng naturang lungsod na si Pedro Acharon, Jr. na nasentensyahan ng Sandiganbayan sa kasong graft na nagsanhi rin ng kanyang perpetual disqualification sa anumang posisyon sa pamahalaan.
- Latest