MANILA, Philippines — Nakatakdang ipatawag ng panel ng Kamara de Representantes sina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at Senador Ronald “Bato” “ dela Rosa sa susunod na pagdinig kaugnay ng kasong Extrajudicial Killings (EJK) sa madugong giyera kontra droga noong nakalipas na administrasyon.
Ayon kay House Committee on Human Rights Chairman at Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., napagdesisyunan ng komite na ipatawag sina dating Pangulong Duterte at Senador Bato sa kanilang susunod na pagdinig ngayong araw.
Sinabi ni Abante na mahalagang marinig mismo nina Duterte at Senador Dela Rosa ang testimonya ng pamilya ng mga nasawing biktima kabilang ang mga patuloy na naghahanap ng hustisya sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
Ang desisyon ng panel ay matapos namang sabihin nina National Union of People’s Lawyers-National Capital Region Secretary General Kristina Conti at Rubilyn Litao mula sa Rise Up for Life at Rights na buo ang kanilang paniniwala na may responsable si dating Pangulong Duterte sa EJK.
Magugunita na si Dela Rosa ang PNP Chief sa kasagsagan ng giyera kontra droga kung saan napaulat na marami ang nasawi.