MANILA, Philippines — Hindi pinagbigyan ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ni dating Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Q. Bantag na ibasura ang kinakaharap nitong murder case kaugnay sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022.
Sa apat na pahinang resolusyon, dinismis ng CA Second Division ang petition for certiorari ni Bantag na kumukwestiyon sa desisyon ng Las Piñas City Regional Trial Court Branch 254 noong Nobyembre 2023, na nagbabasura sa kanyang inihaing motion to quash information at naglalabas ng warrant of arrest laban kay Bantag.
Ayon sa CA, nabigo si Bantag na sundin ang procedure sa paghahain ng certiorari, kasama na ang conformity ng Office of the Solicitor General (OSG) sa paghahain ng petisyon.
Anang appellate court, “only the OSG may bring or defend actions on behalf of the Republic of the Philippines, or represent the People or State before the SC and the CA.”
Ipinaliwanag nito na sa ilalim ng manual for prosecutors, lahat ng hiling para maghain ng petition for certiorari ay dapat na dumaan muna sa Office of the prosecutor general para sa ebalwasyon at pag-apruba bago ang endorsement sa OSG.