Walang sapat na ebidensya para tawaging kasabwat - Mayor Guo
MANILA, Philippines — “Mali na tawagin akong kasabwat kung walang matibay na ebidensya na may koneksyon sa anumang Philippine Offshore Gaming Operator(POGO) operations sa bansa.”
Ito ang pinanindigan ni Bamban Tarlac Mayor Alice Guo bilang reaksyon sa kasong Anti-Trafficking in Persons na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice(DOJ) ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Giit ni Mayor Guo, ang pagkakaroon lamang ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat. Inihayag ng alkalde na ang mga ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan ng sapat na ebidensya.
“Ang pagiging conspirator ay may legal na batayan sa ating batas. Ang pagkakaroon ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal, lalo na kung hindi malinaw, ay hindi sapat upang iugnay ang isang tao sa kaso, partikular na sa kaso ng Human Trafficking,” sabi ni Mayor Guo.
Binanggit niya na wala siyang anumang kaugnayan o pakikibahagi sa Zunn Yuan Technology, Inc. o anumang POGO sa bansa.
Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, nananatiling kumpiyansa si Mayor Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga paratang.
Samantala, pormal na kinasuhan si Guo at 14 iba pa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Department of Justice ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act kaugnay ng koneksyon umano nito sa POGO scam hub sa kanyang munisipalidad.
- Latest