MANILA, Philippines — Umapela si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo ng patas na imbestigasyon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kaugnay na rin sa mga bintang laban sa kanya na pagkakasangkot sa POGO operations, money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na kinasasangkutan ng Baofu Land Development Inc.
Sa 7 pahinang liham na ipinadala ni Guo kay PAOCC Chairman at Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng kanyang mga abogado na sina Atty. Yvette Gianan at Atty Lorelie Santos ay ipinahayag nito ang kanyang kahandaaan na makipagtulungan sa imbestigasyon, subalit umapela ito na mabigyan siya ng “presumption of innocence” at hindi agad husgahan base sa mga negatibong isyung ipinupukol sa kanya na pawang walang ebidensya at walang katotohanan.
Giniit ni Guo na bagama’t siya ang alkalde ng Bamban ay hindi tama na siya na ang sisihin at isangkot sa mga krimen na nangyayari.
Limitado lamang anya ang kanyang naging partisipasyon sa POGO sa Bamban sa pagbibigay ng business permit na siya namang mandato ng mga alkalde.
“Ang pagiging mayor ng isang bayan ay hindi otomatikong nangangahulugan na ito ay maaaring protector, kasangkot o kasabwat sa lahat ng krimeng nangyayari sa kanyang nasasasakupan. Bagama’t ang posisyon ng mayor ay may kaakibat na responsibilidad, hindi ito nangangahulugang lahat ng alegasyon ng illegal na gawain sa bayan ay may basbas at kaalaman ng mayor,” nakasaad sa liham ni Guo.
Nanindigan si Guo na ang mga akusasyon laban sa kanya ay dapat patunayan ng mga konkretong ebidensya at hindi lamang batay sa haka-haka.