MANILA, Philippines — Iginawad ang parangal sa director ng Gat Andres Bonifacio Medical Center sa natatanging dedikasyon sa pagsisilbi sa publiko, lalo na sa mahihirap na residente ng lungsod.
“The journey for the best public service in the field of medicine continues,” ani Dr. Teodoro ‘Ted’ Martin, Director ng GABMC matapos gawaran ng pagkilala ni Mayor Honey Lacuna para sa kanyang 30 taong dedikasyon sa serbisyo sa ginanap na “Gawad Pagkilala sa mga Kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila” na isinagawa bilang isa sa mga tampok na aktibidad para sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-453 ‘Araw ng Maynila’ sa June 24, 2024.
Si Martin ay pumasok ng city government service noong 1994 sa Ospital ng Tondo bilang hepe ng department of pediatrics. Mula doon, nakilala ang kanyang galing at siya ay itinalaga bilang Director sa Ospital ng Tondo noong 2007.
Napansin ang kalidad ng serbisyo ni Martin noong 2009 kaya itinalaga ni dating Manila Mayor Alfredo Lim bilang director ng Ospital ng Maynila, sa ika-5 distrito.
Itinalaga din ni Lim si Dr. Martin bilang direktor ng noon ay Justice Jose Abad Santos Mother and Child Hospital sa third district ng Maynila at doon, nagsilbi si Martin mula 2010 hanggang 2013, sa isyu ng pulitika ay inilagay naman siya sa Manila Health Department Training Department mula 2013 hanggang 2019.
Dahil sa naglalakihang accomplishment ng administrasyon ni Martin, naging isang ‘general hospital’ ang naturang ospital matapos pumasa sa pamantayan ng Department of Health at ito ngayon ay kilala na bilang Justice Abad Santos General Hospital o JASGEN.
Taong 2017, si Martin ay inilagay ni Mayor Isko Moreno bilang hepe ng GABMC para sa mga residente ng first district ng Tondo at base sa ‘track record of performance’ ay pinanatili siya ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Lacuna.