1 anak nasugatan
MANILA, Philippines — Nasawi ang isang mag-ina habang ang isang anak na babae ay nasugatan matapos na salpukin ng dump truck ang sinasakyan nilang motorsiklo kahapon ng umaga Angat, Bulacan.
Sa ulat na nakarating kay Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., Central Luzon regional police director, kinilala ang nasawi na sina Rosemarie De Leon, 24-anyos ang anak nitong si Prinscess, 7-anyos habang nasugatan ang 2-anyos nitong anak na si Angel.
Sa inisyal na imbestigasyon, bago nangyari ang aksidente, alas-9:30 ng umaga na ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima na may plakang 947 QYK ay binabagtas ang kahabaan ng Gen. Alejo Highway, Barangay Niyugan, Angat, Bulacan nang masagi ng 10 wheeler dump truck, na may plakang ASA 9255, na minamaneho ni Paulino De Leon Jr., residente ng Dizon Compound, Payumo St., Barangay Bangkal, Norzagaray, Bulacan ang motorsiklo ng mga biktima.
Nang bumagsak ang mag-iina sa motorsiklo ay nasagasaan sila ng nasabing dump truck.
Dumating sa lugar ang Angat Rescue Team at mabilis na dinala ang mag-iina sa Castro Medical Hospital sa Baliwag City na kung saan ay idineklarang dead-on-arrival ang mag-ina habang ang bunsong anak ay patuloy na ginagamot.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng dump truck na nakatakdang kasuhan ng criminal.