MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni 3-time congressman at ngayo’y Quezon City Councilor Alfred Vargas na panahon na para isulong ng mga local government units (LGUs) ang kanilang cancer control ordinance sa kabila ng lumolobong kaso ng kanser sa bansa.
“Pangalawa na ang kanser sa sanhi ng kamatayan sa mga Pilipino at aasahan nating patuloy pang lalala ang sitwasyong ito kung hindi natin aagapan sa lokal na lebel. Susi ang LGUs sa paglutas sa napakalaking problemang ito,” mensahe ni Vargas sa National Integrated Cancer Control Act (NICCA) Localization Summit, ng Cancer Coalition Philippines sa Baguio City nitong linggo.
Ayon kay Vargas, bilang pangunahing may-akda ng NICCA noong 2019, malaki ang papel ng mga LGUs sa pagtulay sa mga pasyenteng may kanser at sa kanilang mga pamilya sa Hospital Access Sites kung saan makakatanggap sila ng tulong sa pagpapagamot.
Sa kabila ng mga programa sa NICCA, hindi umano batid ng maraming mga pasyenteng may kanser kung paano nila mapakikinabangan ang mga ito, tulad ng Cancer Assistance Fund at Cancer Support Care and Palliative Medicines Access Program (CSP-MAP).
“Sa pagpasa ng isang integrated cancer control ordinance, natutugunan natin ang cancer sa ang isang whole-of-government at whole-of-society na paraan. Sinasama natin ang mga kakayahan at resources ng iba’t ibang partners at sectors para matulungan ang cancer patients and cancer survivors,” pahayag ni Vargas.
Binanggit ni Vargas na ang Quezon City ang unang lungsod na nagtaguyod ng lokal na cancer control ordinance sa pamamagitan ng Quezon City Integrated Cancer Control Ordinance (QCICCO).
Bilang pangunahing may-akda rin ng QCICCO, ibinihagi ni Vargas na kailangan ng masusing pag-uusap sa mga eksperto para akma ang ipapasang ordinansa sa mga kontekstong pangkalusugan ng isang LGU.