Babaeng pasahero na nag-imbento na hinoldap ng rider, kakasuhan
MANILA, Philippines — Mga kasong kriminal ang posibleng kakaharapin ng isang pasaherong babae matapos nitong bawiin ang kanyang alegasyon na hinoldap siya ng nasakyang rider mula sa isang moto-taxi platform.
Sinabi ni Police Col. Samuel Pabonita, hepe ng Pasay City Police, nakaplanong sampahan ng kasong cyberlibel ng Move It rider na si Vicente Young si alyas “Annie” dahil sa naranasan niyang pag-aalala at kahihiyan sa social media sanhi ng mga umano’y kasinungalingang pinasimulan at ipinagkalat ng babaeng pasahero.
Maging ang Pasay PNP ay nakahandang magsampa ng perjury case, lalo’t binawi na ni “Annie” ang maling paratang kay Young at nag-public apology pa ito sa programang “Raffy Tulfo in Action” ni Sen. Raffy Tulfo.
“Ito (may) sinumpaang salaysay siya, nag-sworn siya, sinasabi, ganun, nagbibigay siya ng maling impormasyon, it constitutes ah, may pananagutan siya dun, sa atin ay puwede natin siyang kasuhan ng perjury kasi mali ang information na binibigay niya sa atin,” ani Pabonita.
Kapag napatunayang nagkasala sa mga nasabing kaso, maaaring mahatulan si “Annie” ng pagkakakulong na maaring umabot nang 10 taon kasabay ng pagbabayad ng danyos.
Sa kanyang Facebook post noong Martes, nanawagan naman si Young sa mga netizens na maging mapagmatyag sa pagbabasa, pag-react, at pag-comment sa mga social media posts kahit pa galing ang mga ito sa mga accounts o pages na may maraming followers dahil ang mga alegasyon sa social media, maaaring kabuhayan at buong buhay na ng isang tao.
- Latest