2 pulis-Caloocan arestado sa carnapping at robbery
Ibang kasamang pulis ikinanta…
MANILA, Philippines — Inaresto ang dalawa sa anim na tauhan ng Caloocan City Police at isang sibilyan matapos na ireklamo ng carnapping at robbery ng umano’y drug suspect sa Quezon City.
Kinilala ang mga pulis na sina PSSg Rusell Ortega, 39, ng Brgy. Gaya-Gaya, SJDM, Bulacan; at PCpl Joel Taboga, 37 ng Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City, kapwa nakatalaga sa Sub Station 6 at sibilyang si Robin Caidic, 34 ng Brgy. Ugong, Valenzuela City ay positibong itinuro ng biktimang si Gerald Andrade, 28 na kumuha ng kanyang pera at motorsiklo.
Sa imbestigasyon ni PMSg George Caculba ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) naganap ang insidente dakong alas-4:40 ng hapon nitong Lunes sa harap ng barangay hall ng Balon Bato sa nasabing lungsod.
Bago ito, lumilitaw na nasa barangay hall ang mga tauhan ng QCPD-CIDU sa pangunguna ni PCpt. Reynaldy Tagle, hepe ng Homicide Section at tauhan ng Talipapa Police Station upang irebisa ang CCTV footage sa nangyaring pamamaril sa isang lalaki at pagdukot sa negosyante sa harap ng LR Pascual Elementary School sa L. Pascual Street, Brgy. Baesa, Quezon City madaling araw nitong Lunes.
Habang pinanonod ng grupo ni Tagle ang CCTV, napansin nito ang komosyon sa tapat ng barangay hall.
Agad na tinungo ng grupo ni Tagle ang komosyon kung saan nadatnan nilang hawak nina Ortega, Taboga at Caidic si Andrade.
Hiningan ni Tagle ng dokumento ng operasyon at koordinasyon ang mga suspek, subalit bigo ang mga ito na makapagpakita at sa halip ay sinabi ni Andrade na hinarang siya ng mga suspek at kinuha ang kanyang P16,000 cash at motorsiklo sa isang gasolinahan.
Nakakita lamang ng pagkakataon si Andrade at nakatakas mula sa mga pulis hanggang sa makaabot sa barangay hall.
Dito na inaresto ng tropa ni Tagle sina Ortega, Taboga at Caidic. Nakuha sa mga pulis ang motorsiklo ni Andrade habang isang replica na baril ang nakuha kay Caidic.
Inginuso rin ng mga ito ang iba pang kasama na sina PCpl Judy Rizare, Team Leader/ Traker Team Operatives, PCpl Andy Moja, PCpl Mark Anthony Vinagrera at PCpl Alvin Cruz.
- Latest