Pangulong Marcos pinasinayaan ang pinakamalaking solar-powered pump irrigation project

MANILA, Philippines — Inaasahang gagaan na ang pasanin ng mga magsasaka sa Isabela matapos pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng pinakamalaking solar-powered pump irrigation project sa bansa sa Cabaruan, Quirino, Isabela nitong Lunes ng umaga.

Ang proyekto na sini­mulan ng National Irrigation Administration noong July 2023 at natapos nitong Pebrero 2024 ay pinondohan ng halos P65.77 milyon sa ilalim ng Magat River Integrated Irrigation System.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang proyekto ang tutugon sa problema sa malaking ginagastos ng mga magsasaka upang mapatubigan ang kanilang mga palayan dahil sa pamamagitan ng solar technology ay libre na ang pagpapatubig.

Sinabi ng Presidente na inaasahang mapatubigan ang 350 ektarya ng palayan at pakikinabagan ng halos 237 na mga magsasaka ng palay.

Binigyang-diin ng Presidente na ang Cabaruan solar pump irrigation project ay isa lamang sa maraming proyekto ng gobyerno upang mapalakas ang sektor ng agrikultura na matin­ding naapektuhan ng mga kala­midad at maging ng El Niño phenomenon.

Ang Isabela ang pinakamalaking pinagmumulan ng mais at pangalawang producer ng palay sa buong bansa.

Show comments