Mister tinarakan ng lover, patay

MANILA, Philippines — Namatay habang ginagamot sa ospital ang isang 25-anyos na lalaki matapos tarakan ng patalim sa dibdib ng kanyang ka live-in habang nagtatalo, kamakalawa ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Ana, Manila.

Tinangka pa ng mga doktor ng Sta. Ana Hospital na isalba ang biktimang si Cecilio Lopez II, ng Pasigline St., Sta. Ana, ngunit binawian rin ng buhay dahil sa isang tama ng saksak sa kanyang dibdib.

Naaresto naman ng mga rumespondeng tauhan ng Dagonoy Police Community Precinct (PCP) sa pagamutan ang suspek na si Rhaiza Alonzo, 25, live-in partner ng biktima, at residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), bago naganap ang krimen, alas-11:35 ng gabi sa loob ng tahanan ay nagkaroon umano ng matinding away ang dalawa sa hindi pa batid na kadahilanan.

Sa kasagsagan ng mainitang argumento ay bigla na lang kumuha ang suspek ng patalim at itinarak sa dibdib ng biktima.

Nagawa pa ng biktima na lumabas ng kuwarto at humingi ng tulong sa mga kaanak at isinugod sa pagamutan ngunit nasawi rin.

Nakapiit ang suspek at nakatakdang maharap sa kasong pagpatay sa piskalya.

Show comments