MANILA, Philippines — Anim na buwan na pagsuspinde ang ipinataw ng Office of the Ombudsman laban sa hepe at anim pang miyembro ng Marikina City Engineering Office makaraang matukoy na may basehan para ihabla ang mga ito dahil sa umano’y paghingi ng suhol sa pag-isyu ng mga building at occupancy permits.
Laman ng isang kautusan ng Ombudsman na may petsang Hunyo 6 ang pagpapataw ng preventive suspension laban sa mga tauhan ng Marikina City Engineering Office makaarang madetermina ng tanggapan na may matitibay na ebidensiya na nagpapakita na “guilty” ang mga ito sa “grave misconduct and conduct prejudicial to the service.” Ang mga nasuspinde ng anim na buwan nang walang suweldo ay sina City Engineer Kennedy Sueno; Enforcement Section Chief Romero Gutierrez Jr.; Building Inspector Marlito Poquiz; Electrical Inspector Alex Copreros, Engineer III Mark De Joya, Administrative Aide III Abigail Joy Santiago, at Electrician Foreman Manuel Santos.
Ayon sa Ombudsman, may mga hawak silang ebidensiya na nagpapatunay sa umano’y paghingi ng pera ng mga nasabing empleyado ng Marikina City Hall upang pabilisin ng mga ito ang paglalabas ng mga building at occupancy permits na kailangan ng mga complainants.
Idinagdag ng Ombudsman na inabuso umano ng mga naturang opisyal ang kanilang kapangyarihan.
Sinabi pa ng Ombudsman na ilang beses na ring nakipagharap ang mga complainants kina Marikina City Mayor Marcelino Teodoro at Marikina 1st District Rep. Marjorie Ann Teodoro, subalit wala ring nangyari sa kanilang mga hinaing.
Ibinunyag din ng Ombudsman ang naranasan ng mga complainants “kung saan kailangang lagyan ang ‘bawat pintuan’ sa buong proseso ng paghingi ng mga nasabing permits.