MANILA, Philippines — Tatlong indibidwal, kabilang ang isang police official na may ranggong lieutenant colonel ang inaresto dahil sa umano’y carnapping sangkot ang multi-purpose vehicle (MPV) na nirentahan sa Bamban, Tarlac.
Batay sa police report mula sa Highway Patrol Group (HPG), nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng may-ari ng isang MPV na nagpatulong sa mga pulis matapos mapag-alamang ibinebenta ang kanyang sasakyan noong Hunyo 5.
Sinabi ng complainant na ang bibili na ng kanyang sasakyan ang kumontak sa kanya sa pamamagitan ng messaging app upang beripikahin kung siya ang registered owner ng sasakyan na ibinebenta sa halagang P350,000.
Inilahad pa ng complainant sa mga pulis na ang sasakyan ay nirentahan sa kanya ng isang nagngangalang Michael Perez Bautista noong Hunyo 2. Dalawang araw ang renta nito subalit hindi agad naibalik.
Agad na nagpasaklolo sa pulisya ang complainant bandang alas-7:00 ng gabi noong Hunyo 5, isinagawa ang operasyon sa Baclaran, Parañaque City na nagresulta sa pagkakarekober ng sasakyan at pagkakadakip sa tatlong indibidwal.
Kalaunan ay kinilala ang mga naarestong sina Police Lt. Col. Gideon Ines, Jr.; 52; Michael Perez Bautista, 42; at Lyn Salazar Tuazon, 25.
Ayon sa complainant, tinanggap ni Bautista ang sasakyan sa rental process habang si Tuazon ang nagplantsa ng rental online.
Nagsasagawa na ang mga otoridad ng imbestigasyon upang maberipika ang alegasyon na si Ines ang nag-uutos sa pagbebenta ng rented car, kasunod ng kanyang pagkakaaresto sa operasyon.