MANILA, Philippines — Mahigit 25,000 tsuper at operators ng mga pampasaherong jeepney ang nagpahayag ng kanilang intensiyon na makiisa sa ikinasang panibagong tatlong araw na transport strike ng grupong Manibela simula bukas, Hunyo 10 hanggang Hunyo 12.
Ayon kay Mar Valbuena, National President ng grupong Manibela, marami nang Public Utility vehicles (PUV) operators at drivers ang nagbigay ng intensiyon na sumama sa kanilang pagkilos upang iparating sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa panghuhuli ng gobyerno sa mga unconsolidated passenger vehicles.
Sinabi ni Valbuena, hindi pa dapat nanghuhuli ng unconsolidated vehicles ang mga traffic enforcers lalo pa’t may usapan na ang Kamara de Representantes at LTFRB na huwag munang hulihin ang mga unconsolidated vehicles.
Binigyang diin ni Valbuena na kailangang munang mapatunayan na ang 80 pecent ng mga PUVs na sinasabing nag-consolidate ay kayang serbisyuhan ang malaking bilang ng mga commuters partikular sa Metro Manila.
Aniya, magsasagawa rin sila ng pagkilos sa gusali ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang bahagi ng kanilang pagkondena sa paghuli sa mga unconsolidated vehicles.
Ang consolidadtion ng mga pampasaherong sasakyan ay unang hakbang ng PUV Modernization Program ng gobyerno. Sa ilalim nito, ang mga 15-years old at pababa na mga passenger jeepneys ay aalisin na sa kalsada at papalitan ng mga modernized na pampasaherong sasakyan.