MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 1.6 milyong katao ang nagkakasakit kada araw dahil sa pagkain ng “unsafe foods”, ayon sa World Health Organization (WHO).
Batay ito sa mga lumabas na ulat hinggil sa isinagawang United Nations press briefing nitong Biyernes sa Geneva, sa pagdiriwang ng World Food Safety Day.
Sinabi ni Francesca Branca, head ng Nutrition and Food safety ng WHO, mas matindi ang epekto ng unsafe foods sa mga batang wala pang 5-taong gulang o 40% ng burden mula sa unsafe foods.
Ang unsafe food ay ang mga nalantad sa dumi at mikrobyo, nabulok na magdudulot ng impeksyon at sakit gaya ng diarrhea, meningitis at iba pang sakit na maaaring mauwi sa kamatayan, Walang boundary ang dulot na panganib ng unsafe food dahil mabilis itong mag-evolve mula sa lokal na problema patungo sa international emergency, ayon kay Branca.
Bunsod nito, hinimok ni Branca ang mga pamahalaan na isali sa kanilang national action plans ang pagtiyak din sa food safety para sa health security sa kapaligiran, mga hayop at kalusugan ng mga tao.
Itinuturing ng UN Food and Agriculture Organization (FAO) ang pagkain bilang “fundamental” para makamit ang Sustainable Development Goals (SDGs), ayon pa sa WHO.