MANILA, Philippines — Patuloy na tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o kabuhayan sa ikalawang sunod na buwan noong Abril.
Ang pagtataya ay ayon sa resulta ng pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang bilang ng mga walang trabaho na nasa edad 15 pataas ay umakyat sa 2.06 milyon noong Abril mula sa 2 milyon noong Marso.
Ayon kay Mapa, ang pagdami ng jobless Pinoy ay epekto ng El Niño phenomenon kung saan tinamaan ng husto ang sektor ng Agrikultura.
Samantala, mas mababa ang bilang ng mga walang trabaho nitong Abril 2024 kumpara noong 2023 na may 2.26 milyon.
Anya, bumaba rin ang bilang ng employed individuals noong Abril nang makapagtala ng 48.36 milyong employed kumpara sa 49.15 milyong employed na naitala noong Marso.
Tumaas naman ang bilang ng underemployed o ang mga naghahanap ng dagdag na trabaho. Mula sa 5.39 milyon na naitala noong Marso, tumaas ito sa 7.04 milyon noong Abril.