MANILA, Philippines — Naglabas si Senador Risa Hontiveros ng mga dokumento na nagpapakita ng posibleng identity o pagkakakilanlan ng sinasabing ina ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na isang Lin Wen Yi, incorporator sa maraming negosyo ng alkalde.
Ito’y matapos ibunyag ni Senador Sherwin Gatchalian na ilang residente ng Valenzuela ang makakapagpatunay na si Lin Wen Yi, isang Chinese national, ay ang tinutukoy na ina ni Mayor Guo noong panahon na naninirahan sila sa lungsod.
“The identity of Mayor Alice’s mother is crucial to this whole saga. Kung Chinese pala ang ina, at Chinese umano ang ama, mapapatunayan na hindi nga talaga Pilipino si Mayor,” sabi ni Hontiveros.
“Kung totoo ito, ang mas malaking tanong:bakit kinailangan niyang magkunwari? Bakit may pagtatago at pagsisinungaling?” tanong pa ng senadora.
Ayon kay Hontiveros, si Lin We Yin ay co-incorporator ni Mayor Guo at pito nitong negosyo na kinabibilangan ng QJJ Group of Companies, QJJ Farms, QJJ Embroidery, QJJ Meat Shop, 3LIN-Q Farm, QJJ Slaughterhouse at QSeed Genetics kasama mga kapatid ng mayor na si Shiela L. Guo at Siemen L. Guo at tatay nitong si Jian Zhong Guo.
“Kung nagawang magsinungaling ni Mayor Alice tungkol sa mga kapatid niya, hindi malayong mangyari na tinatago niya rin ang totoong pagkatao ng nanay niya. She has been lying through her teeth the past two hearings. Ang daming imbento, halos wala nang lumalabas na totoo sa bibig niya,” saad ni Hontiveros.
“Magkakamag-anak ba silang lahat? Is this one big, dubious family business? As Sen. Win also noted, travel records show that Jian Zhong Guo and Lin Wen Yi travelled together at least 170 times in the span of six years. Business partner lang nga ba o baka asawa talaga?” dagdag na tanong ng mambabatas.
Ibinahagi rin ni Hontiveros ang isang dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpapatunay na ang mga birthdate at address ng mga co-incorporator ni Mayor Guo ay sinasabing mga kapamilya nito.
“1971 ang birth year nitong Lin Wen Yi. Kung siya ang tunay na ina, 15 years old lang siya nang iniluwal si Alice. At kung siya din ang ina ni Sheila na aminado si Alice na kapatid niya, aba 13 years old lang siya nung niluwal si Sheila? Unless ito ay gawa-gawa lang lahat, kathang isip ng isang sindikatong Tsino na pinahintulutan ng mga kawani ng gobyerno,” lahad ni Hontiveros.
“May isa pa kaming source na nagsasabi na ‘Winnie’ ang tawag sa nanay ni Mayor Guo. Filipinized version kaya ito ng Lin Wen Yi? Bakit kaya sinisikreto? Sino ba itong pamilya na ito? Bakit nakapalibot sa misteryo? We will get to the bottom of this,” pagtatapos ng senadora.