Mas maraming ulan, mararanasan sa 4th quarter ng taon - PAGASA
MANILA, Philippines — Mas maraming ulan o mas matindi sa normal na nararanasang ulan ang maaaring maranasan sa 4th quarter ng taong ito o simula sa Oktubre dulot nang pagpasok ng La Niña Phenomenon sa panahon ng tag-ulan.
Ito ang sinabi ni Ms. Ana Liza Solis, hepe ng Climatology and Agrometeorology Division ng PAGASA dulot ng mas maraming weather system na nagdadala ng mga pag-ulan katulad ng localized thunderstorms, shearline, frontal system, monsoons rains, low pressure areas, at mga bagyo sa panahong ito.
Ang La Niña phenomenon ay ang panahon na mas maraming ulan ang mararanasan sa bansa at ang mga bagyo ay maaaring makaranas ng mga pagbagsak sa lupa.
Sinabi rin ni Solis na sa pagpasok ng La Niña sa 3rd quarter ng taon o simula naman sa Hulyo ay unti-unting mararanasan ang madaming tubig mula sa mga pag-ulan at magpapatuloy ang malalakas na ulan hanggang sa matapos ang taong kasalukuyan.
Anya sa pagtatapos ng buwan ng Mayo at sa susunod na buwan ng Hunyo ay makakaranas pa rin ng mainit na panahon at dangerous heat index dahil ang mga buwan na ito ay nasa monsoon break o pagpapalit ng panahon.
Sinabi din nito na sa buwan ng Agosto hanggang Nobyembre ay maraming mga bagyo na mararanasan ang bansa at asahan na ang mas madaming tubig particular sa mga major river basin at water reservoir o mga dam sa bansa.
- Latest