LTFRB Chair, kinastigo sa pabagu-bagong desisyon sa MC Taxi program
MANILA, Philippines — Kinastigo ng National Public Transport Coalition (NPTC) at National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) ang umano’y pabagu-bagong desisyon at pahayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz hinggil sa motorcycle (MC) taxi pilot study program ng pamahalaan.
Inakusahan ng naturang transport groups si Guadiz ng umano’y flip-flopping at lumilikha ng pagkalito at distress sa libong transport workers sa iba-ibang pahayag sa usapin ng MC Taxi service sa bansa.
Ayon kay NACTODAP President Ariel Lim, naihayag noong nagdaang buwan ni Guadiz batay sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista na wala ng dagdag na MC taxis na papayagan sa Metro Manila at sa halip ang anumang dagdag na MC taxis ay ilalagay na lamang sa mga rehiyon para sa improvement ng transportation services doon.
Ang nakapagtataka kung bakit sinasabi naman ngayon ni Chairman Guadiz sa nagdaang media release nito na ang Technical Working Group (TWG) ay hindi nagrerekomenda ng capping ng programa para sa tatlong players sa Metro Manila sa halip ay sinabing ang TWG ay mag-eexpand pa ng programa sa pamamagitan ng pagdaragdag ng operators upang ma-evaluate ng husto ang impact ng pilot study.
Binigyang diin nito na sa halip ay pag-aralang mabuti ng LTFRB ang lahat ng available data at magkaroon ng maayos na regulatory framework ay nagdedesisyon pa ang LTFRB na mag-expand at mag-accommodate ng dagdag na MC taxis.
- Latest